Huwebes, Abril 4, 2013

URBANA AT FELISA: Ang Liham na "Sa Eskuwelahan" at ang Updated Letters ni Jose Javier Reyes




Ang akdang Urbana at Felisa ni Presbitero D. Modesto de Castro ay isang “book of manners” na gumabay sa mga Pilipinong kaugalian sa pagtatapos ng panahon ng mga Kastila. Sa anyo ng mga liham sa pagitan ng mag-ateng Urbana at Felisa, naipaparating ni de Castro sa mambabasa ang GMRC ng panahon – isang manual kung paano magiging “sibilisado” sa kalungsuran ng Maynila at pati na rin sa lahat ng lugar na nasasakupan. ‘Di nakakagulat na ito’y nailimbag sa papatapos ng era ng mga Kastila. Naisakatuparan na ang planadong pananakop ng Espanya sa Pilipinas at hindi man sila naging matagumpay sa pagpapanatili ng kanilang pamumuno, nagawa nilang tuluyang mailubog ang kamalayang Filipino sa mga banyagang ideya’t pag-aasal. Ang akda’y labis na nakatulong sa pagpapanatili ng isang Katolikong ideolohiya sa mga Filipinong masasakop naman ng liberalistang pag-iisip ng mga Amerikano. Magpasangayo’y buhay na buhay ang mga parangal ni Urbana sa ‘baguntao’, mga paalalang marahil ay idinirekta ni de Castro sa mga henerasyon ng kabataan na (marahil sa palagay niya) nawawalan ng moralidad sa pagdaan ng panahon. E sa ngayon kaya? Mula sa Maynila papalabas sa kanayunan, patuloy ang ganitong edukasyon para sa isang marangal at sibilisadong kolonya. Ang liberal nilang pag-uugaling taliwas naman at mas maluwag kaysa sa disiplinadong asal ng mga Espanyol ang umiral sa bagong panahon. Tulad nga ng “update” ni Jose Javier Reyes sa akdang ito, makikita naman ang tahimik na pananakop ng Amerika sa kalungsuran na tahasan namang inilalapat ang sarili sa mga nayon, iniisa-isa ang mga probinsyanong naniniwalang nasa Maynila ang kanilang “pag-unlad”.

Sa Eskwelahan

Ang sulat ni Urbanang “Sa Eskwelahan” ay nagsasaad ng ilang mga paalala at pangaral para sa kapatid niyang si Honesto na papasok na sa paaralan. Maikli lamang ang sulat ngunit puno ng mga mensaheng talaga nama’y magagamit ng sinumang una palang papasok sa eskwela, lalo na sa mga pribadong paaralang mahigpit sa kani-kanilang mga regulasyon. Ito’y mga natutunan ni Urbana sa kanyang maestrang si Donya Prudencia na pinangaralan din ng mga Kastilang prupesor. Ang mga naipasang pangaral ay bunga ng labis na disiplinadong lapit sa pagtuturo at pageensayo ng mga gurong Espanyol sa mga Pilipino. Sa panahong iyon, ang karamihan sa mga guro ay binubuo ng mga Dominikong prayleng ginamit ang katekismo bilang primarya sa pagtuturo sa mga Pilipinong nasakop. Ang mga Pilipino’y hinulma sa panahong ito bilang mga ganap na disipulo ng Kastilang pamumuhay at siyempre labis itong nakasira sa pagpapanatili ng Pilipinong identidad sa sentro ng bansa. Ang edukasyon sa panahon ng Espanyol ay tungo sa benepisyo ng mananakop, upang ganap na maging kolonya ang bansa.

Ngunit kung titignan din sa kabilang banda, ang mga pangaral niyang ito ay tama rin naman. May respeto si Urbana sa mga usapan ng tao nang banggitin niyang “Sa lansangan ay huwag makikialam sa mga pulong at away na madaraanan” at ang ilang sumunod na talata kung saan sinasabi niyang huwag sumabat sa nakatatanda. Tinuturo ni Urbana ang mahusay na pakikipagkapwa na mula man sa pamamaraang Espanyol ay magagamit ninuman basta ba’y may ugnayan siya sa tao. At hindi ba’y nasa kaugalian na rin naman ng mga Pilipino ang paggalang sa nakatatanda? Itong mga parangal ni Urbana ay may malalimang pinagmulan – ang tinatawag ni Romulo P. Baquiran, Jr. (1996) na “lohikal na pagsasabay na pagpapanatili ng dalawang daigdig: isang inihaharap sa mga dayuhan at isang inilalaan para sa sarili”. Labis mang nabahiran ng kalungsuran, si Urbana ay ‘di lumayo sa tunay niyang kultura. At sa gitna ng sulat, idiniin ni Urbana na
Kundi matutuhan ay magtanong sa kapwa nag-aaral o sa maestro kaya, huwag mahihiya sapagka’t kung hiyas ng isang marunong ang sumangguni sa bait ng iba, ay kapurihan naman ng isang bata ang magtanong sa marurunong, sapagka’t napahahalata na ibig matuto’t maramtan ang hubad na isip, ng karununga’t kabaitan. (de Castro, 1946)

Di ninanais ni Urbanang maging sarado ang isipan kundi mapagmatyag at maalam, marahil isang munting rebolusyunaryong lapit sa pag-aaral na hindi basta tanggap lamang nang tanggap kundi bungkalin din ang tinuro para sa mas kumprehensibong pagkakaintindi nito. Sa mga ganitong paraan, napapakita ang pakikiapid din ng mga pilitang pinatahimik ng kolonyal na sistema.


Teknolohiya, Kababaihan at Edukasyon sa ngayon: The Updated Letters

Sa ginawa namang kakatwang makabagong bersyon ng Urbana at Felisa, pinakita ni Jose Javier Reyes ang mga “trend” sa Maynila ng dekada ‘oos na labis na ring nabahiran ng Americanization. Sa unang sulat, pinandidirihan ni Urbana ang kaugalian ng kababaihang “namantsahan ng kabalahuraan ng lungsod”. A niya, mga malalamya sila kumilos at walang galang sa kani-kanilang pagkababae. Samakatuwid, kontra si Urbana sa liberal na pag-uugali ng babae sa ngayon. Makikitang sa unang sulat ay nakabalot pa rin kay Urbana ang mga turo ni Donya Prudencia ngunit sa mga susunod na sulat ay nahawa na rin ang dalaga sa “uso”. Siya’y pala-inom na’t ‘di na masyadong nabigyan ng pansin ang pag-aaral, wala na ring pakialam sa kanyang gramatika’t paggamit ng wika. Ang akdang dati’y labis ang pag-aalala sa kinasasapitan ng kanyang mga kapatid kaya binibigyan ito ng pangaral ay naging akda na ng pansariling interes ng mga taong lungsod. Nasobrahan ang makabagong Urbana sa pagpapasarap dahil sa kanyang kalayaan sa Maynila at marahil siya naman dapat ang bigyan ng mga pangaral. Sa dulo’y mababasa lamang ang Updated Letters sa negatibong aspeto ng modernong kababaihan – ang malayang babaeng nakikipagsabayan na ngayon sa maraming larangang dati’y lalaki lamang ang binibigyan ng permiso. Ang kalayaan ng sekswalidad ay marahil isa pa ring isyu sa ngayon ngunit ‘di rin naman tamang saklawin ng depinisyon ni Urbana ang lahat ng babae sa lungsod bilang mga kerengkeng. Ang modernong babae’y mas matalino na rin kumpara sa panahon ni Modesto de Castro.

Kung babasahin ding maigi ang bawat sulat, mapapansin ang mga pagbabago sa teknolohiya ng komunikasyon: ang unang sulat ay tradisyunal na liham na ginamitan ng malalim na Tagalog; ang sumunod ay ganoon pa rin, Taglish nga lang ang pagsusulat ni Urbana (na kung tawagin na ang sarili ay “Bunny”); ang ikatlo’y ginamitan na ng computer – mapapansin ito sa spell check ng salitang “naman” na laging nagiging “naming” (marahil gamit niya ang Microsoft Word na programa); ang huli nama’y gumamit na siya ng “text messaging shortcuts” na umuso sa paglaganap ng Pilipinas bilang “Text Messaging Capital” ng mundo. Ang Americanization ng panahong ito’y kasabay din ng mabilisang pagbabago sa teknolohiya at malabisang pag-aangkop ng mga Pilipino dito.

Nakasaad sa maliliit na detalye ng update ni Jose Javier Reyes ang naidudulot ng pagpasok ng makabagong teknolohiya sa bansa. Nabanggit ni Bunny na patok daw sa Maynila ang HRM at MassComm – dalawang kursong tinitignan nang husto para sa mga “big time” na trabahong tulad ng call center at ang oportunidad makalipad abroad upang magsilbi sa mga banyagang hotel, barko o restaurant. Uso sa panahon ng 2000s (at hanggang ngayon) ang mga pag-aaral na makapaglilingkod sa ibang bansa, katulad na rin ng nursing. Naging “in demand” tuloy ang mga ganitong kurso, inaalam pa nga kung sinong pinakamagaling saka hahanapan ng trabaho sa Canada, Amerika o kung saan pa. Sa pagpasok ng bagong dekadang 2010s, tinulak pa lalo ng administrasyong Aquino ang potensiyal ng ganitong edukasyon gamit ang K+12. Dito’y madadagdagan ang mga taon sa elementarya at sekondaryang edukasyon sa paglalayong mabigyan sila ng mas sapat na kakayahan sa pagtatrabaho. Ang modelo ng K+12 ay hango sa sistema ng maraming banyagang bansa kaya naman napaghahalataan ding layon talaga ng pamahalaang magpadala ng mga Pilipino sa ibang bansa upang paglingkuran ito. Ayon sa artikulo nina Anne Marxze Umil at Igal Jada San Andres sa Bulatlat (2012):


“What the K to 12 system will do is reinforce cheap semi-skilled youth labor for the global market. The DepEd talks of a so-called ‘professionalization’ of the young labor force mainly for labor markets abroad but unfortunately continues to ignore the very causes of forced migration, namely, lack of local jobs, low wages and landlessness,” said Garry Martinez, chairman of Migrante. He said the K to 12 system sadly undermines the youth’s very significant role in nation-building because it is geared toward providing cheap semi-skilled and unskilled youth labor to the global market instead of for domestic development. “Young workers, mostly semi-skilled and unskilled, make up approximately 10.7 percent of the total Filipino labor migrant population. Through the K to 12, the government will further program our youth not to serve the country but to service the needs of the neoliberal global market,” said Martinez.

Tulad noong panahon ng Urbana at Felisa, ang sistema ng edukasyon sa ngayon ay nanganganib muling dumirekta hindi sa ikabubuti ng bayan kundi sa benepisyo ng mga banyaga. ‘Di ito nakatutuwang pagbabago, sapagka’t imbis na mapabuti ang kalagayan ng Pilipinas ay mas uunahin pa ng kabataan ang paglilingkod sa ibang bayan. Sa ganitong pamamaraa’y ‘di halatang inilulublob nanaman ang kamalayan ng makabagong Pilipino sa mga ideolohiyang ‘di nila gagap at tiyak ay dadalhin na rin nila sa pagtanda’t ipapasa sa mga ‘baguntao’.

Si Urbana nga naman noon at ngayon ay isang subersibong nilalang, labis nang nilunod sa impluwensiya ng kolonyalismo kaya ang nilalaman ng kanyang mga sulat ay kung ano’ng kanyang natutunan. Marahil mahalaga ring magbago naman at mamulat na si Urbana sa katotohanan at magsulat para sa ikabubuti ng kanyang mga kapatid, ng kanyang bayan. Nakikita kong kaya niyang labanan ang kolonyal na pag-iisip at umusbong sa kanyang pagkalulong kung itutulak lang niya ang sarili nang husto. Kung iba lang ang ipapangaral niya – ang pagkamulat ng kanyang mga kapatid – marahil ay higit pa sa isang “book of manners” ang mailikha. Kailangan na natin ng bagong (at progresibong) Urbana!

Mga Sanggunian:
de Castro, P. D. M. (1996). Pagsusulatan nang dalauang binibini na si urbana at ni felisa. R. P. Baquiran, Jr.                     (Ed.) Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino, Sistemang University of the Philippines Diliman at                                         National Commission for Culture and the Arts
de Castro, P. D. M. (1946). Urbana at felisa: Aklat na katututuhan ng gintong aral. J. Martinez (Ed.)                                                        Manila: Aklatang J. Martinez
Reyes, J.J. (2008). The updated letters of urbana and felisa. In J. Zafra (Ed.), The Flip reader : being a geatest                                                          hits anthology from flip : the official guide to world domination. (pp. 183-187). Pasig City: Anvil Pub.
Umil, A. M. D. & Andres, I.J. (2012). Two years is an added burden – parents. Bulatlat Online. Retrieved                              September 8, 2012 from http://bulatlat.com/main/2012/05/30/two-years-is-an-added-burden---parents/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento